Medyo iba ‘tong kwento ko.
Pero bahagi ito ng aking nakaraan.
Nung time na gusto kong takasan ang pagiging isang bakla.
………………………………………..
As early as first year highschool alam ko ng iba ako sa mga kaklase kong lalaki.
Pero in denial.
Akala ko parang stage lang ‘to na maglalaho.
Dumating ako sa point na nag-TH ako magpaka-straight.
Bumarkada. Nag-bisyo. Gumawa ng mga kalokohan.
Lahat ito ay ginawa ko para maiwasan ang pagiging isang bading.
Hanggang tila dumating na nga ang kasagutan sa nais ko.
Disiotso ako noon.
Nakilala ko si Jocelyn.
Twenty plus naman sya.
Nag-landian. Nagka-developan. Nagka-inlaban.
Para lang kaming sina Claudine at Rico Yan.

Ako si Claudine.
Pero 'yun na nga… naging kami.
Tapos sabi nya one day – “Gusto mo, magsama na tayo?”
College ako non. Nangungupahan ng apartment kasama ang pinsang college student din sa Manila.
Yung pinsan ko, girlfriend naman ang bestfriend ni Jocelyn - si Armida.
So ayun, nakipag-live in nga ako kay Jocelyn.
Ganun din yung pinsan ko at si Armida.
Apat kaming nagsama-sama sa maliit na apartment. Nag-working student ako kahit supported ng pamilya.
Estudyante sa araw, callboy sa gabi.
Choz.
Service crew.
Nagkatuluyan ‘yung pinsan ko at si Armida. Apat na ang anak nila. Sila pa rin hanggang ngayon.
Natiis nila ang isa't-isa.
…………………………..
Isang gabi, I remember bumabagyo ‘non. Ako naman inaatake ng migraine at lagnat.
Si Jocelyn, sumugod sa ulan kahit walang payong. Naghanap ng bukas na drugstore para bumili ng gamot at pagkain na ‘rin. Ng dumating sya sa apartment, basang-basa sya. Tapos inasikaso nya ako. Pinakain, pinunasan at pinainom ng gamot.
Nakatulog kaming magkayakap.
Kinabukasan ok na ‘ko.
Pero sya naman ang nilalagnat. Ako naman ang nag-asikaso sa kanya.
Sabi ko ‘non sa sarili ko, siguro nga hindi ako bakla.
Kasi, mahal na mahal ko na ang babaeng ito.
Gabi-gabi kami kung mag sex. Parang honeymooners lang.
Sabi ko pa, pakakasalan ko sya.
Pero hindi pala kami pwedeng pakasal.
Kasi may asawa na pala sya.
Kasal na pala sya. Hiwalay lang sila.
Sobrang galit ko sa kanya ‘non. Pinalayas ko sya.
Two months after, nakita ko uli sya.
Hindi na ako galit sa kanya. Pero parang sya ang galit sa akin. Hindi na rin kami nagkabalikan.
Kasi, bumalik na sya sa asawa nya.
Mabilis lumipas yung panahon. Tapos sabi sa akin ni Armida na nanganak na daw si Jocelyn.
Isang baby girl.
Ako daw ang tatay.
Sabi ko… “Gaga. Paano magiging akin eh matagal na kaming hiwalay.”
Pero teka. Seven months palang kaming hiwalay.
Grabe ang kabog ng dibdib ko.
Pinakita sa akin ni Armida ang picture ng baby.
Kamukha nung baby picture ko.
May head dress din.
(Disclaimer: Not the actual baby picture. hehehe.)
Nakuha nya ang aking mga mata, ilong at pouty lips.
Kinausap ko si Armida kung pwedeng pakiusapan nya si Jocelyn na makita ko ang baby kahit isang beses lang.
Hindi pumayag si Jocelyn.
Tahimik na daw ang buhay nya. ‘Wag ko na daw guluhin pa.
Pero mapilit ako.
Inalam ko ang address nila ng asawa nya.
Pinuntahan ko.
Saktong nakita ako ni Jocelyn.
Ano daw ginagawa ko ‘don.
Minura nya ‘ko.
Pinalayas.
Hindi naman ako mang-e-eskandalo. Pero wala akong nasabi. Kusa na lang akong umalis ng hindi ko nakikita ang baby.
After one month, naglakas loob akong bumalik uli.
Pero hindi na sila doon nakatira. Umuwi na daw ng Bicol.
Hindi na rin sya ma-contact ni Armida.
Tuluyan ng nawala si Jocelyn at ang baby na nalaman kong ang ibinigay n'yang pangalan ay Pilar…
Natawa pa ako.
Kasi ako si Pepe.
Tapos… binalot ako ng matinding lungkot.
At kusa na lang napa-iyak.
Putang-ina.
Ako nga ba ang ama?
………………………………..
Ngayon ay malamang na nasa highschool na si Pilar.
Sana lang makita ko sya.
Kahit hindi nya ako makilala.
Kahit hindi ako magpakilala.
Siguro iyon na lang ang kukumpleto sa akin, aside of course ang isa brand new Papa.
'Yan ang isang kwento ng buhay ko.
Dahil kahit anong pagmamalinis man ang gawin ko.
Hinding-hindi ko maita-tangging..
Isa akong disgrasyada.
Recent Comments